Maraming Salamat Ginang Gloria Arroyo
Edison Gatioan
June 30, 20101
Ang makasaysayang araw na ito na siya ring huling araw ng panunungkulan ni Ginang Arroyo ay makabuluhan sa ating sambayan, kung kaya, nais kong samantahin ang pagkakataong ito upong siya ay pasalamatan ko. Hinihikayat ko rin ang sambayanang Pilipino na sumama sa akin sa pagpapasalamat sa kanya.
Una sa lahat, pinapasalamatan ko si Ginang Arroyo sa pagdilat sa aking diwa na ang baluktot at walang pusong paninilbihan ay may idudulot din pala na kabutihan sa sambayanan, sapagkat ito pala’y isang pamamaraan upang ang ating diwa ay magising at tayo ay mapukaw sa isang mahimbing na pagtulog. At sa aking pagkabalikwas mula sa komportableng buhay ng di pakikialam, aking natanto na ating bayan pala’y nasadsadlak na sa bingid ng pagka-bangkarote ng moralidad at hustisya. Salamat Ginang Arroyo sa iyong binibidang maayos na ekonomiyang pang-salapi na iniwan sa sambayanan, samantalang ang ating institution bilang isang maayos at matuwid na bayan ay iyong sinadlak sa hikahos na kalagayan ng moralidad at hustisya. Salamat sapagkat dahilan ng iyong inialay na pahirap, ako ay nagising at muling napukaw sa mahimbing kong pagtulog upang aking maiwasan ang sakuna ng isang bayang walang pakialam at pagmamalasakit sa kapwa at bayan.
Akin din pong pinapasalamatan ang iyong naibigay na ehemplo sa ating hikahos na Bayang Kawawa na ang kapangyarihan pala’y maaaring magamit sa paglilinlang, pang-gigipit at pananakot sa sambayang mapagtiis at mapagtimpi, at sa banding huli, ang kabangyaman ay maaaring mapasakamay ng may akda ng paglilinlang, pang-gigipit at pananakot. Akin itong pinapasalamatan sapagkat sa banding huli, aking natanto na sa bawat salapi na malikom ng sinuman sa di tuwid na pamamaraan, bagamat walang katiyakan ng pag-singil ng ating hustisyang legal, isang mabigat na kaparusahan pala ang sa huli ay nag-aadya, ang pagkawala ng respeto ng kapwa sa katauhan ng may akda ng pagmamalabis. Huwag ng isipin ang pagkawala ng respeto sa sarili.
At higit sa lahat, aking pinapasalamatan ang iyong paglimot sa kuwento ng buhay ng mga nakaraang pamunuan, na kung saan, ang pagmamalabis sa kapangyarihan ay nag-iwan ng isang madungis na mantsa sa isa, at naghatid sa isa pa sa rehas ng kahihiyan. Akin ding itong pinapasalamatan sapagkat ang ehemplo ng iyong pamunuan ang siyang tuluyang gumising sa diwa ng bayang kawawa na sa nakaraang mahigit dalawang dekada ay nabigong tuluyang magising mula sa kompotableng buhay ng di pakikialam.
Muli, salamat Ginang Arroyo sa pagpukaw ng aking diwa at sa pagbigay-unawa sa aking hamak na kaisipan na ang bawat Pilipino pala ay isang mahalagang parte ng ating Bayang Kawawa at nararapat lamang na makialam at magmahal sa bayan upang ang pagmamalabis sa kapangyarihan ay di mag-wagi at magdulot ng luha at pighati sa sambayanang mahal, upang tayo ay makatindig isang araw at ipagmalaki sa buong mundo na tayo ay nagwagi sapagkat ang bawat isa sa atin ay nakialam at nagmahal sa kanyang bayan di lamang para sa kanyang sarili kundi higit para sa sangkatauhan.